Mga raliyista, bigo sa human chain sa EDSA

Posted: February 26, 2015 at 11:40 am

TUMAAS ANG tensiyon sa pagitan ng mga pulis at mga raliyista nang mabigo ang huli na magsagawa ng symbolic human chain sa EDSA sa pagdiriwang sa ika-29 na anibersaryo ng People Power Revolution kahapon.

Hinarang ng bulto ng mga pulis ang may 1,500 raliyista na karamihan ay mula sa mga militanteng grupong Bagong Alyansang Makabayan, Anakpawis, Gabriela, at Kilusang Mayo Unosa paanan pa lang ng flyover ng Edsa-Santolan southbound dahilan para hindi na makaabante ang mga nagpoprotesta.

Sa plano ng mga raliyista, magtitipon sila sa EDSA sa tapat ng Camp Crame sa Quezon City para roon simulan ang tinawag nilang symbolic human chain na magdidire-diretso hanggang Edsa Shrine.Pero agad na humarang ang mga pulis. Ipinosisyon din ang hindi bababa sa tatlong truck ng bumbero bilang pangharang, kung saan agad na nagkagirian ang mga awtoridad at mga raliyista. Napakaraming pulis din ang itinalaga sa tapat naman ng EDSA Shrine. Gamit ang mga 66 truck ng Philippine National Police (PNP) at Metro Manila Development Authority (MMDA), sinaraduhan ang service road ng northbound lane ng EDSA bago umakyat ng flyover. Sa panayam kay dating congressman Teddy Casio, hindi umano tinupad ng mga awtoridad ang usapan. Una, aniya, nang napagkasunduan na isang lane lang ng EDSA ang sasakupin nila para sa planong human chain. Himutok ni Casio, Pagdating namin kanina rito nakaharang sila sa buong EDSA, e saan naman kami lulugar niyan? Ganito rin ang ipinakitang pagkainis ni Bayan Secretary General Renato Reyes, kung saan sinabi niya sa isa pang panayam na nagkaroon sila ng koordinasyon sa pulis bago pa sila nagtungo sa EDSA.

Kahapon nakipag-negotiate kami sa police. Ang sabi pa ni General Valeroso, hindi na siguro kailangan ng permit pa kasi nationwide celebration naman ito tapos ngayon magbabago sila ng tono? ani Reyes.

Dagdag pa ni Reyes, Sabi ko nga sa mga police, we came in here hindi kayo ang kaaway namin. Pinaglalaban namin katotohanan pero ganito ginagawa niyo sa amin.

Umalingaw naman sa mga nagpo-protesta ang mga sigaw na: Noynoy resign, Mamasapano mastermind!

Kinalimutan nila yung totoong people power eh. Ang gusto lang nila Aquino power, ayon pa kay Reyes.

Kabilang sa mga nagtungo sa EDSA para lumahok sana sa human chain ay sina Juana Change, Manila Auxilliary Bishop Broderick Pabillo, at dating congressman Peping Cojuangco na tiyo ni Pangulong Noynoy Aquino.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Read this article:
Mga raliyista, bigo sa human chain sa EDSA

Related Posts